Sen. Lito Lapid, isinusulong ang pag-buo ng programa para sa pag-recycle at pag-donate ng old gadgets

Isinusulong ni Senator Lito Lapid ang isang panukalang batas, na layong magtatag ng isang electronics donation and recycling program sa buong bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill 1846 ng senador, imamandato sa naturang programa ang mga manufacturer at retailer ng mga electronic gadget, na mag set-up ng donation at recycling booth sa kanilang mga sales outlets at service center.

Layon nitong tumanggap at magproseso ng mga electronic gadget, gaya ng laptop at cellphone na for donation o for recycling.

Giit ni Lapid, sa mabilis na paglabas ng bagong mga modelo ng electronic gadgets, kadalasang itinatapon na lamang ng isang indibidwal ang kanilang lumang phone para bumili ng bago at nagreresulta ito sa paglala ng electronic waste sa bansa.

Ayon sa senador, hindi naman kailangang itapon ang mga lumang gadget gaya ng mobile phones at laptop, dahil pwede pa itong ipamigay at marami pa ang pwedeng makinabang dito lalo sa panahong ito na maraming mga estudyante at guro ang walang magamit para sa online classes dahil sa pandemya.

Sa ilalim ng programang nais buuin ng mambabatas sa pamamagitan ng panukalang ito, kokolektahin ang mga gadget na para sa donasyon at saka itu-turn over sa Department of Education (DepEd) upang ito ang mamahagi sa mga mahihirap na estudyante.

Habang ang mga gadget naman na para sa recycling, ay itu-turn over sa accredited facilities ng Department of Environment and Natural resources (DENR) na kayang mag-recycle ng electronic devices na ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.