Sen. Migz Zubiri, inisa-isa ang mga anomalya sa loob ng PhilHealth

Pinunto ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang iba’t ibang klase ng anomalya na nangyayari sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Zubri, may limang malalaking uri ng anomalya at sistema ng korapsyon na nangyayari sa ahensya…

Una na diyan ang pagkakaroon ng rebates sa mga hospital claim…sa sistemang ito, hinihingian ng pera ng ilang opisyal ng ahensya ang mga ospital upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang claims sa PhilHealth.

Binigay na halimbawa ni Zubiri ang Pacific Eye Institute, na pagmamay-ari aniya ng isang Dr. David Gosengfiao.

Ayon sa senador, noong 2016, ay hiningian umano ng isang opsiyal ng PhilHealth si Dr. Gosengfiao ng P7.3 million para makuha ang PhilHealth claims nilang aabot sa P73 million.

Maliban diyan, talamak rin aniya ang pagkakaroon ng ghost patients, kung saan may pagkakataon na nagbabayad ang ilang mga health care institution ng mga taong magpapanggap na pasyente para lamang makakuha ng claims.

Ang ilang pasyente naman ay may simpleng hypertension lamang, pero pinalalabas na may mild stroke para makakuha ng aabot sa P25,000 na claims, habang ang ibang nasawi ng pasyente na hindi na nakakatapos ng dialysis ay palalabasing nakatapos ng dialysis, para makuha ang bayad para sa natitirang mga session nito.

Maliban diyan, may mga kaso rin ng non-existent patients kung saan nabibigyan agad ng pondo ang mga ospital na wala namang pasyente; ang IT overpricing at padding sa mga presyo ng mga binibiling item; at ang hindi pag-usad o tuluyang pagkakabasura ng mga kasong isinasampa laban sa mga tiwaling empleyado at mga ospital.

Giit ni Zubiri, isang malaking problema kung kaya nagpapatuloy ang katiwalian at mga anomalya sa PhilHealth, ay dahil walang nakakasuhan, napaparusahan, at nakukulong sa mga napapatunayan namang sangkot sa mga ilegal na gawain.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.