Sen. Migz Zubiri, nais itaas sa 16 taong gulang ang sakop ng statutory rape

Isinusulong ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, na maitaas sa 16 na taong gulang ang masakop ng kasong statutory rape sa bansa.

Nabanggit ito ni Zubiri, nang sabihin ng Commission on Population and Development (Popcom), na dumoble ang bilang ng mga batang babaeng edad 10 hanggang 14 ang nabuntis sa nakalipas na sampung taon.

Kumpara kasi sa datos noong 2007 na 1,000, nitong 2018 ay umakyat na ito sa 2,200.

Dahil dito, isinusulong ni Zubiri, na amyendahan ang batas (Revised Penal Code) upang maparusahan ng statutory rape ang mga mang-aabuso sa mga batang hanggang 16 na taong gulang.

Sa kasalukuyang batas kasi, hanggang 12 taong gulang lang ang sakop ng statutory rape.

Naniniwala aniya ang senador, na maraming sexual abuse at violence ang nagaganap sa mga batang 12 hanggang 16 taong gulang, pero hindi aniya napaparusahan ang may sala kasi iginigiit ng mga ito na pumayag ang bata.

Ito ay kahit aniya sa katotohanan ay wala pa sa tamang pag-iisip ang mga batang nasa ganitong gulang, upang makapagdesisyon ng tama at pwersahan ang nangyari.

Naniniwala si Zubiri, na kapag naipasa ang panukalang ito ay mababawasan ang teenage pregnancy sa bansa dahil magkakaroon ng dagdag proteksyon ang mga kabataang pinoy.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.