Sen. Pacquiao, naghain ng libel case laban kay Pastor Quiboloy

Sinampahan ng P100-million libel case ni Senador Manny Pacquiao si Pastor Apollo Quiboloy nang dahil sa pagpapakalat umano ng mga maling impormasyon tungkol sa kaniya.

Personal na nagtungo si Pacman sa Makati City Prosecutor’s Office ngayong araw para ihain ang reklamo laban sa founder ng Kingdom of Jesus Christ.

Ito ay kaugnay ng naging pahayag ni Quiboloy sa kaniyang programa sa telebisyon at social media na nagdadawit kay Pacquiao sa diumano’y maanomalyang pagwaldas ng P3.5 billion na pondo para sa Sarangani Sports Training Center (SSTC) project.

Una na itong pinabulaanan ng kampo ng senador at sinabing ang tinutukoy na pondo ng pastor ay inilaan para sa itatayo sanang Philippine Sports Traning Center sa Bataan, proyektong wala umanong kinalaman ang senador.

Sa kaniyang 13-pahinang reklamo, hiniling ni Pacquiao na magbayad si Quiboloy ng P100 milyon bilang bayad-pinsala at attorney’s fee dahil sa paggamit nito ng kaniyang kapangyarihan at impluwensya sa pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon.

Giit ng mambabatas, dapat nang mahinto ang ganitong mga paninirang walang basehan na bumabaluktot aniya sa katotohanan at lumalason sa isip ng mga Pilipino.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.