Sen. Pimentel, humingi ng tawad sa Makati Medical Center

Humingi ng tawad si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel sa pamunuan ng Makati Medical Center para sa pagtungo niya sa kanilang ospital noong gabi ng March 24 at sa paglabag sa safety protocol ng ospital.

Sa official statement na inilabas ni Pimentel ngayong araw, sinabi nitong nabasa na niya ang statement ng MMC at muli rin nitong ipinaliwanag ang kanyang panig.

Aniya, bandang alas-6:00 hanggang alas-7:00 ng gabi sila dumating ng asawa niya sa Makati Med dahil nakatakda sana itong manganak noong March 25 ng umaga.

Pasado alas-9:00 na aniya ng gabing iyon siya tinawagan ng RITM para ipaalam sa kanya na positibo siya sa COVID-19.

Matapos aniyang matanggap ang kumpirmasyon ng RITM ay agad niyang ipinaalam sa OB-gyne ng kanyabg asawa na nagpositibo siya sa COVID-19 at agad ring umalis ng ospital.

Nang panahong iyon aniya ay hindi naman siya umuubo o wala namang lagnat at nakasuot rin aniya ang senador ng face mask at gloves.

Sinabi ni Pimentel na hindi niya intensyon na labagin ang protocol ng ospital ngunit ngayon ay napagtanto na niyang nakapagdulot ng paghihirap at pagkabahala sa ating mga magigiting na frontliner ang kanyang ginawa.

Mananatili aniyang bukas ang komunikasyon ng senador sa MMC.

Sa kabila ng nangyari ay hinihiling ngayon ni Pimentel sa MMC na alagaan ang kanyang asawa at ang iluluwal nitong anak nila na nananatili pa rin ngayon sa pangangalaga ng Makati Med.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.