Sen. Poe, dismayado sa pagkakabasura ng Ombudsman sa kaso laban sa mga dating DOTC officials

Maituturing na isang insulto para sa pinoy commuter ang desisyon ng Office of the Ombudsman na ibasura na ang kasong graft laban kay dating Transportation Department Secretary Joseph Emilio Abaya at ilan pang mga dating opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ayon kay Senadora Grace Poe.

Ang kasong ito ay may kaugnayan sa P4.5-bilyong MRT-3 maintenance deal ng DOTC sa South Korean company na Busan Universal Rail Incorporated (BURI).

Dismayado si Poe sa naturang desisyon lalo na aniya’t libu-libong mga commuter ang nagdusa ng ilang taon dahil sa kabiguan ng mga dating opisyal na ito na gampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.

Giit ng senadora, na chairperson rin ng senate committee on public services, ang bagong desisyon ng ombudsman ay taliwas sa consolidated resolution na inilabas nito noong 2018 na nagsasabing may probable cause para makasuhan ng kasong graft sina Abaya at 16 na iba pang indibidwal dahil sa diumano’y pagsasabwatan para magkaroon ng unwarranted advantage ang BURI sa MRT-3 maintenance deal.

Aniya, hindi maaaring walang managot kapag may katiwaliang naganap.

Sa pamamagitan aniya ng hindi pagpapanagot sa mga taong ito ay maaari itong magpahiwatig ng maling mensahe na hindi isang seryosong paglabag ang graft sa ating bansa, na pinahihintulutan ang korapsyon sa bansa at walang makikinig sa panawagan ng taumbayan para sa accountability.

Umaasa aniya si Poe na ang desisyong ito ng ombudsman ay hindi makakahikayat ng iba pang tiwaling indibidwal na gumawa ng mga money-making activities sa gobyerno.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.