Sen. Ralph Recto, sinabing may ₱110-B contingency fund pa ang PhilHealth

Sa kabila ng pahayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na malapit na silang maubusan ng pondo, iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na mayroon pang ₱110-billion pesos na contingency fund ang ahensya.

Giit ni Recto, ₱77-billion pesos ang nakukuha ng ahensya mula sa mga kontribusyon ng mga miyembro, ₱63-billion pesos naman mula sa sin tax at mayroon pa sila ₱110-billion pesos na retained earnings o equity.

Aniya, hindi niya nakikita kung paano mauubos ang ₱110-billion pesos na ito ng PhilHealth at ang rason aniya ng pagkakaroon ng reserve fund ay para magamit sa ganitong sitwasyon ng pandemya.

Una nang sinabi ng isang opisyal ng PhilHealth na ang dahilan ng posibleng pagkaubos na ng kanilang pondo sa susunod na taon ay ang mas mataas na gastos sa pagbibigay ng benepisyo kumpara sa nakokolekta nilang kontribusyon. Bagay na hindi naman sinang-ayunan ni Recto.

Nang matanong kung magkano ang tantiya ng ahensya na magagastos nila para sa COVID-19 response ngayong taon, sinabi ng acting Senior Vice President ng PhilHealth na si Nerissa Santiago na ₱28-billion pesos ang inaaasahang magagastos nila para sa paggamot sa nasa 200,000 COVID-19 patients at ₱22.5-billion pesos naman para sa COVID-19 testing.

Giit ni Recto, ito lang aniya ang pwedeng ibawas sa ₱110-billion pesos na contingency fund kaya may matitira pang ₱60-billion pesos para sa susunod na taon.

Sa huli, iminungkahi ng senador na silipin muna ng Senado ang paggastos ng PhilHealth bago nito aprubahan ang isusumite nilang request para sa dagdag na subsidiya para sa susunod na taon.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.