Sen. Risa Hontiveros kinalampag ang DOH sa unpaid salaries, benefits ng medical frontliners

Kinalampag ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Health (DOH) na agad ipalabas ang hindi nababayarang sahod at benepisyo ng mga health frontliners bilang sukli sa kanilang sakripisyo sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat nang ibigay ng DOH ang naantalang sahod at benepisyo tulad ng hazard pay ng contractual na kinalap ng ahensiya upang magtrabaho laban sa COVID-19.

“The best way we can thank our frontliners is to ensure that they receive all the proper salaries and benefits due to them under the law. Ibigay natin ang sweldo at proteksyon na nararapat para sa ating mga health worker bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan at sakripisyo,” ayon kay Hontiveros.

Ipinanawagan ni Hontiveros ang pagbabayad ng sahod at benepisyo matapos maiulat na kalunos-lunos na kalagayan ng mga contractual contact tracers na kinalap apat na buwan na ang nakakalipas, na hindi pa nakatatanggap ng suweldo at benepisyo, at mayroon pang napaso na ang kontrata, hindi pa nababayarang.

Hindi rin umano natatanggap ng mga medical workers sa public medical facilities tulad ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi pa nakatatanggap ng hazard law alinsunod sa batas.

“Maliit na nga ang sahod, hindi pa naiibigay on time. Ito ba talaga ang tamang pagtrato sa ating frontliners? The DOH needs to act with more haste in processing the salaries and benefits of our medical workers, who perform tasks critical to our health response against the pandemic, such as contact tracing, testing and treatment of COVID-19 patients,” aniya.

Punto ni Hontiveros, dapat kumilos kaagad ang DOH at ayusin ang proseso upang tapusin ang months-long delays ng pagbabayad sa medical workers.

“Hindi pwedeng isisisi lang lagi ng DOH sa kulang na documentary requirements ang mabagal na pagbigay ng sweldo ng ating contact tracers at ibang frontliners,” giit ni Hontiveros.

Sinabi pa ng senadora na dapat ayusin kaagad ng DOH ang problema dahil inaatasan ang bagong Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na dapat makatanggap ang lahat ng public at private health workers na gumagamot sa COVID-19 patients ng karagdagang P10,000 bilang Special Risk Allowance.

“Sana naman itong special risk allowance ay hindi abutin ng ilang buwan bago makuha ng ating frontliners,” giit ng senador.

Aniya, kung hindi kaagad mareresolbahan ng gobyerno ang pagkaantala sa pagbabayad sa health workers, lalo lamang made-demoralized ang frontliners kaya lubhang makakaapekto ito sa kompanya ng pamahalaan na mangalap ng mas maraming nars, doktor, contact tracers at iba pang medical professionals para sa program ng bansa laban sa COVID-19

“Pinipilit natin ang mga health workers na manatili sa bansa sa pamamagitan ng health worker deployment ban, pero hindi natin maibigay ng tama ang sweldo na kailangan nila para buhayin ang kanilang pamilya. This is an unjust situation which government must correct immediately.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.