Sen. Risa Hontiveros, nanawagang alisin na ang deployment ban sa healthcare workers

Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na bawiin na ang deployment ban na ipinapatupad sa mga healthcare worker.

Ayon kay Hontiveros, bagamat nauunawaan niyang kailangang iprayoridad ang health care system ng bansa, kailangan ring isaalang-alang ang kapakanan ng health workers na naipit sa bansa matapos nilang dumaan sa mahabang proseso ng training at pagkuha ng mga requirement at permit na kailangan sa papasukan sana nilang trabaho sa ibang bansa.

Giit ng senadora, dapat ay hayaan na nating makalipad ang health workers na ilang buwan nang hindi makapaghanapbuhay.

Hindi lang aniya oras ang inilaan nila para lang makapag-abroad, marami pa aniya sa kanila ang nangutang at nagbenta ng ari-arian para lang masuportahan ang kanilang pangarap.

Sa halip na magpatupad ng deployment ban, sinabi ni Hontiveros na dapat ay taasan na lamang ng pamahalaan ang sweldo at ayusin ang working condition ng mga healthcare worker dito sa bansa para piliin nilang sa Pilipinas na lamang magtrabaho.

Dagdag pa ng senador, bagamat may nakalaan nang pondo sa panukalang Bayanihan 2 para sa pag-eempleyo at pagbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga healthcare worker, hindi dapat ito maging dahilan para pigilan silang mangibang-bansa lalo na yung mga nakakuha na ng trabaho abroad at nakakumpleto na ng mga requirement.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.