Sen Gatchalian, isinalang ang bill para sa special powers ng Pangulo na magdesisyon kung kailan bubuksan ang klase

Hinikayat ni Senate Basic Education Committee Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang mga kasamahan na aprubahan na agad ang Senate Bill 1541 o ang panukalang batas na magpapahintulot na gawin ang pagbubukas ng klase kahit lagpas sa buwan ng Agosto.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas o ang Republic Act 7797, minamandato lamang na buksan ang klase sa unang Lunes ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto.

Naisalang na sa sponsorship ang naturang panukalang batas na layon ring bigyang kapangyarihan ang pangulo ng bansa na magtakda ng ibang petsa ng pagbubukas ng school year kapag mayroong kalamidad, sakuna o state of emergency.

Ang naturang desisyon ay dapat batay sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Education (DepEd).

Sa kanyang sponsorship speech, pinunto ni Gatchalian na maraming magulang ang nag-aalangan na pabalikin sa eskwela ang kanilang mga anak sa itinakdang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa August 24 dahil sa banta ng COVID-19.

Pero sa kabilang banda, may epekto naman aniya sa sektor ng edukasyon ang pagpapaliban ng pagbubukas ng klase sa Agosto partikular na sa kabuhayan ng mga private school teachers at sa survival ng private education sector.

Dahil sa mga konsiderasyong ito, marapat lamang aniyang ibigay na sa Pangulo ng bansa ang paggawa ng kritikal sa desisyong ito.

Giniit rin ng senador na ang agarang pag-apruba at pagsasabatas ng panukalang ito ay makapagbibigay sa DepEd ng flexibility na makaagapay sa kinakaharap na public health situation ng bansa ngayon at sa mga posibleng iba pang national emergencies sa hinaharap.

Sa sesyon ngayong araw, nakatakdang ipagpatuloy ang talakayan sa naturang panukala at posible na rin itong maipasa sa 2nd reading ng Senado.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.