Sen. Tolentino, binalaan ang BSP sa pagbebenta ng gold reserves ngayong pandemya

Binalaan ni Senador Francis Tolentino ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa plano nitong pagbebenta ng maliit na bahagi ng gold reserves ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2021 National Budget, sinabi ni Tolentino na maaari itong maging paglabag sa Republic Act 7653 o ang New Central Bank Act of 1993 na naglilimita sa pagbebenta ng gold reserves ng bansa tuwing may emergency situation.

Napaulat kasing kinokinsidera ng BSP na magbenta ng gold reserves upang mabawasan ang share nito sa gross international reserves (GIR) ng bansa.

Una nang sinabi ng BSP na naabot na ng bansa ang all-time high sa gold reserves sa $98.6-billion dollars.

Bilang tugon, nilanaw naman ni BSP Deputy Governor Francisco Dakila na hindi naman majority ng gold reserves ang ibebenta nila.

Ayon kay Dakila, ang susundin nilang guidance ay ang ilaan ang 10 percent ng GIR ng bansa sa ginto.

Ang planong ito aniya ay hindi lamang desisyon ng BSP kundi base na rin sa polisiya ng Monetary Board.

Gayunpaman, iginiit pa rin ng senador na dapat pa ring pag-isipan ng BSP ang maaring paglabag nito sa nabanggit na probisyon ng batas lalo na’t ngayong panahon ng COVID-19 pandemic ay maaaring kailanganin natin sa hinaharap ang gold reserves na ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.