Sen. Zubiri, nanawagan na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa Agosto

Nakiisa na rin si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa mga panawagang ipagpaliban na muna ang pagbubukas ng klase hanggang sa susunod na taon.

Ito ay upang mas mabigyan aniya ng panahon ang pamahalaan na makapaghanda sa pagpapatupad nito ng distance learning sa gitna ng kinakaharap nating COVID-19 pandemic.

Giit ni Zubiri, hindi pa handa ang bansa sa pagpapatupad ng bagong paraan ng pagtuturo sa mga estudyante kaya umaapela siya sa mga miyembro ng gabinete na plantsahin muna nila ang preparasyon bago magsimula ang klase sa Agosto.

Nababahala aniya ang senador lalo na para sa mga malalayong komunidad sa bansa na hindi sila makasabay sa bagong paraan ng pag-aaral.

Partikular na pinunto ng mambabatas ang kanyang probinsya sa Bukidnon kung saan 80 porsyento ang walang access sa internet.

Sa ngayon, para kay Zubiri, malabo pa rin kung paano ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ang self-learning plans nito at ang paggamit ng telebisyon at radyo sa pagtuturo sa mga mag-aaral kaya naman mas mainam aniyang ipagpaliban na muna ang school year 2020-2021.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.