Senate President Sotto -Death penalty para sa drug offenders, magkakaroon na ng tiyansang maipasa sa Senado

Posible nang muling magkaroon ng pagkakataon na maipasa sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panukalang death penalty para sa mga kriminal na sangkot sa iligal na droga.

Ito ang naging pahayag ni Senate President Vicente Sotto III matapos itong hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang naging State of the Nation Address (SONA) kahapon.

Sa kanyang SONA, nanawagan si Pangulong Duterte sa mga mambabatas na agad na magpasa ng panukalang batas na bubuhay sa death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga krimen sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Sotto, susubukan nila ito muling maipasa at naniniwala siyang mas malaki na ang tiyansa nito ngayon sa Senado matapos ang naging panawagan ng Pangulo.

Matatandaang mayroon nang naaprubahang bersyon ng panukalang ito sa Kamara noong 2017 pero hindi na natalakay ang counterpart bill nito sa Senado hanggang sa nagtapos ang 17th Congress.

Sa ngayon, halos 11 panukalang batas ang nakahain sa Senado na layong ibalik ang death penalty para sa mga heinous crime gaya ng drug trafficking, treason, rape, murder, kidnapping, at plunder.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.