Senate President Sotto -pagputol sa demand, solusyon sa ilegal na droga

Nanindigan si Senate President Vicente Sotto III na ang pagputol sa demand para sa ilegal na droga ang pinakamabisang paraan upang maresolba ang problema sa droga sa bansa.

Ginawa ni Sotto ang naturang pahayag, matapos sabihin ni Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) Co-Chairperson, Vice President Leni Robredo, na plano niyang ituon ang drug war sa pagbabawas ng suplay ng ilegal na droga sa bansa.

Giit ng senate president, kung babawasan lamang ang suplay ay maghahanap lamang ang mga adik ng ibang bagay na aabusuhin nila ang paggamit, gaya ng mga cough syrup, nubain, contact cement at iba pa.

Kaya naman mas epektibo pa rin aniya ang demand reduction strategy.

Pagbibigay diin ni Sotto, oras na wala nang bumibili ng ilegal na droga ay mawawalan na rin ng mga magbebenta nito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.