Trillanes hinamon ni Senator Go na harapin ang sedition case laban s kanya

Hinamon ni Senator Christopher Bong Go si dating Senator Antonio Trillanes na harapin nito ang kasong sedition na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice.

Sinabi ni Go na batid naman ng  lahat na istilo na ni Trillanes ang black propaganda para maging malinis sa mukha ng publiko tulad ng ginawa nitong  alegasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamilya nito at mga malalapit sa pangulo na sangkot umano sa illegal drug trade.

Ayon kay Go, dapat panagutan ni Trillanes ang kasong isinampa laban sa kanya dahil sa paghahangad niyang pumuti sa taumbayan.

Inihayag ni Go na dalawang beses siyang naghubad sa publiko para lamang patunayan na hindi totoong may tattoo siya sa katawan na taliwas sa black propaganda ni Trillanes.

Binigyang diin ni Go na kahit gaano pa magpaputi si Trillanes sa mata ng publiko ay  hindi na niya ito magagawa dahil sa itim ng  budhi nito at wala nang maniniwala sa kanya dahil sa mga kasinungalingan.

Dagdag pa ni Go na alam naman ng marami kung sino ang nasa likod ng mga paninira noong panahon ng kampanya kaya nararapat lang  na managot ang mga ito.

Sa kabilang banda, tiniyak ni Go na iginagalang niya ang desisyon ng DOJ na pag-abswelto kay Vice President Leni Robredo  at ilang  obispo sa sedition charges.

Tiniyak ni Go na naniniwala siya sa prosecution at kung walang kinalaman eh di dapat maabswelto pero dapat harapin ng mga nasa likod ng paninira ang kaso.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.