Speaker Cayetano, kumpiyansang matutupad ni PRRD ang mga ipinangako sa nalalabing 2 taon sa pwesto

Mensahe ng pag-asa.

Ito ang inaabangan ni House Speaker Alan Peter Cayetano na lalamanin ng ika-limang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Duterte ngayong araw.

Ayon kay Cayetano, kaisa siya ng sambayanang Pilipino na umaasang mababanggit ng Presidente ang mga plano nito sa buhay at kabuhayan ng mga apektado ng health crisis.

Bukod dito, inaabanang rin ng lider ng Kamara na ilalatag ng Pangulo sa kanyang SONA ang mga plano nito sa bansa sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.

Katunayan, kung hindi lamang aniya dahil sa COVID-19 ay patuloy naman ang pag-lago ng ating ekonomiya bunsod na rin ng tuloy-tuloy na paggulong ng Build, Build, Build Program ng pamahalaan.

Kumpyansa din si Cayetano na sa nalalabing dalawang taon ni Pangulong Duterte sa termino ay matutupad nito ang kanyang mga pangako noong kampanya gayundin ang mga plano nito sa mga nagdaang SONA.

Kabilang naman sa mga priority bills na target trabahuhin ng Kamara sa pagbabalik sesyon nito ay ang pagbuo sa Department of Arts and Culture upang masuportahan ang creative industry, tourism infrastructure, health, at livelihood.

Agad rin aniya nilang tatapusin ang iba pang COVID-19 response measures tulad ng Bayanihan 2, ARISE, CURE at paglalaan ng P250 billion hanggang P500 billion na pondo para sa COVID-19 related program partikular na sa pambili ng bakuna.

Mamayang alas-diyes inaasahan ang muling pagbubukas ng Kamara. Magpapasa sila ng isang concurrent resolution para sa pagpapatawag ng House of Representatives at ng Senado ng joint session para sa talumpati ng Pangulo.

Dalawa pang resolusyon ang inaasahan ding ipapasa upang ipaalam sa Senado at sa Pangulo na mayroong nang quorum ang Kamara at handa sa muling pagbubukas.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.