Sumabak ulit sa Commute Challenge si Presidential spokesperson Salvador Panelo

Lingid sa kaalaman ng media ay muli na namang sumabak sa commute challenge si Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Base sa mga ibinahaging larawan ni Sec. Panelo ay makikitang sakay siya ng kulay berdeng tricycle.

Hindi naman niya idinetalye ang kanyang commute challenge na ito at naging maramot kung saan lugar siya sumakay ng tricycle.

“The location and destination is unimportant,” ayon kay Sec. Panelo sa viber message.

Subalit nang kulitin kung nasan talaga siya ay sumagot ito ng “Bacolod”.


At sa tanong naman kung magkano ang ibinayad niya sa kanyang pagsakay sa tricycle ay sumagot siya ng “Sanpong (Sampung) piso”.

Matatandaang noong Oktubre 11 ay inabot ng halos apat na oras ang biyahe ni Sec. Panelo papuntang Malacañang, sa pagtanggap niya ng hamon ng ilang grupo na mag-commute nitong Biyernes.

Sa kabila nito, nanindigan ang tagapagsalita ng pangulo na walang transport crisis, gaya ng giit ng ilang opposition groups. Maaalalang sinabi ni Panelo na walang transport crisis sa kabila ng iniindang matinding trapiko ng mga commuter sa Kamaynilaan.

Pasado alas-5 ng umaga, nagpadala ng litrato si Panelo na may hawak na diyaryo habang nakasakay sa jeep, bilang patunay na ginawa niya ang hamon ng Anakbayan at Kilusang Mayo Uno.

Mula alas-5:15 ng umaga, naghintay ng jeep si Panelo sa Concepcion, Marikina, batay sa kuha ng isang netizen.

Sinubukan niya ring umiwas sa mga reporter na sumubok na i-dokumento ang kaniyang pagcommute. “I don’t want to make any spectacle to this,” aniya

Tatlong jeep mula Marikina City hanggang Quezon City ang nasakyan ni Panelo bago siya mamataan ng ilang reporter sa Cubao Station ng Light Rail Transit – 2 (LRT-2).

Nangako noon si Panelo na gumamit ng jeepney at LRT papuntang Malacañang. Pero napilitang mag-jeep pa-Mendiola sa Maynila si Panelo nang makahabol ang ilang reporter sa kaniya sa Gilmore Avenue.

Nakarating sa loob ng 30 minuto si Panelo sa Mendiola mula Cubao at nakatanggap ng alok na sakay ng motorsiklo mula sa isang taga-Batangas.

Nakarating si Panelo sa Malacañang bandang alas-8:46 ng umaga, ilang minutong lagpas sa kaniyang target arrival na alas-8:30.

Aminado si Panelo na nahirapan siya pero inasahan naman daw niya ito.

“Hindi mo kailangan sumakay para maranasan kasi matagal na natin. Given na iyon eh kapag may problema sa traffic lahat dadanas, nakasakay ka sa jeep, sa LRT o sa kotseng naka-aircon na, magdaranas ka rin,” ani Panelo.

Nanindigan din siyang walang transport crisis, sa kabila ng pahayag ng mga opposition group.

““Mayroong traffic crisis pero hindi transportation crisis kasi when you say transportation crisis wala ka ng sinasakyan, paralyzed ang buong traffic,” aniya.

Dumepensa rin si Panelo sa pahayag niyang dapat gumising nang maaga ang mga commuter. Giit niya, dapat lang daw maging “creative” (malikhain) ang mga Pinoy para hindi ma-late sa pupuntahan.

Kinikilala naman aniya ng gobyerno ang problema sa public transport at ginagawan naman daw ito ng paraan ng gobyerno

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.