Susunod na PhilHealth Chief, dapat marunong sa legal at finance — DOH Sec Doque

Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na ang susunod na pinuno ng PhilHealth ay dapat may kaalaman sa usaping legal at accounting.

Sa ginanap na press conference sa Calamba, Laguna, sinabi ni Duque na bagama’t “prerogative” ng Office of the President ang pagpili ng mamumuno ay nakasalalay ang tagumpay sa sustainability ng state health insurance firm.

Dinepensahan din ng kalihim ang desisyon ng nagbitiw na si PhilHealth President Ricardo Morales dahil sa kondisyon ng kalusugan.

Ipinaliwanag ni Duque na nakausap niya ang doktor ni Morales at kinumpirmang makokompromiso ang kalusugan nito kung magpapatuloy pa sa trabaho lalo’t sumasailalim ito sa chemotherapy na nagpapahina sa katawan.

Si Senior Vice President Rodolfo Del Rosario naman ay nag-resign aniya matapos ang ipinataw na 6-month preventive suspension dahil marahil ay hindi nito kakayaning buhayin ang pamilya.

Gayunman, iginiit ng DOH secretary na kahit wala na sa puwesto ang dalawang opisyal ay dapat pa rin silang mag-cooperate sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa umano’y mga anomalya sa PhilHealth.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang nagsisilbing officer-in-charge ng PhilHealth si Executive Vice President at Chief Operating Officer Arnel De Jesus na ayon kay Duque ay ginagampanan nang maayos ang tungkulin para di maantala ang operasyon.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.