Tiniyak na maisasama sa Bayanihan 2 ang Cash assistance at dagdag na benepisyo para sa healthcare workers

Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na isasama nila sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ang cash assistance para sa mga healthcare worker na magkakaroon ng sakit na coronavirus disease (COVID-19).

Matatandaang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang national address nitong Linggo, ang mungkahing pagbibigay ng P10,000 hanggang P15,000 sa mga healthcare workers na magkaka COVID-19.

Ayon kay Sotto, tatalakayin nila ito sa gagawin nilang bicameral conference committee para sa Bayanihan 2.

Aniya, tiyak nang isasama nila sa naturang panukala ang mga nabanggit ni Pangulong Duterte para sa mga healthcare worker, gaya ng risk allowance, life insurance, free accommodations, free transportation, free COVID-19 testing, at ang cash assistance sa mga magkakasakit ng COVID-19.

Giit ng senate president, numero unong isyu ngayon ang kalusugan ng mga Pilipino kaya naman kahit ano aniyang makakatulong sa pagtugon dito, ay tiyak na susuportahan ng liderato ng Mataas na Kapulungan.

Nilinaw naman ni Sotto, na mananatili pa rin sa P140 billion ang pondong ilalaan para sa Bayanihan 2, kahit na idadagdag nila ang probisyon para sa dagdag benepisyo para sa mga healthcare worker.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.