Trillanes puro daldal lang —Pangulong Duterte

Muling pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte si Dating Senador Antonio Trillanes kaugnay sa panibagong akusasyon nito.

Kung matatandaan, pinaratangan ni Trillanes sina Pangulong Duterte at si Senador Bong Go na sangkot umano sa ₱6.6 billion halaga ng road widening at concreting projects sa Davao Region.

Nagbigay naman ng pahayag at ulat si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo hinggil sa mga alegasyon na ito ng senador.

Ani Panelo,” Gusto ko pong mag-react dahil mayroon tayong nabasang pahayag ng rebeldeng naging senador, na pagkatapos pakainin ng pamahalaan eh, nag-stage ng coup.”

“At ngayon, eh, mayroon na naman siyang inuugnay na bagong akusasyon na kayo daw ay involved na naman sa korupsiyon pati daw ‘yang si Senador Christopher Bong Go na sa katotohanan lang ito’y dati na po niya itong inilabas at nagkaroon na ng mga hearings sa Kongreso at ito’y napatunayan.”

Bukod pa kay Trillanes, kasama ring pinasaringan ng punong ehekutibo si Senador Manny Pacquiao.

Sa talk to the people address nitong Martes, ika-6 ng Hulyo, sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga alegasyon ng mga kritiko ay marahil nakakita ang mga ito ng magandang oportunidad para sa kanilang pansariling interes.

Pinagkumpara rin ni Pangulong Duterte sina Trillanes at Pacquiao na pareho aniyang may hangaring manatili sa kapangyarihan.

“Si Trillanes pareha ni Pacquiao ‘yan. Ang… They want to, you know, hold power because they must have — may nakita siguro silang magandang oportunidad nila para sa kanila,” saad ng pangulo.

Kung maalala, inilahad ni Pacquiao na mas tumitindi ang korupsiyon sa kasalukuyang administrasyon bagay na ikinadismaya at pinalagan ni Pangulong Duterte.

Kasunod nito, hindi na rin pinahaba pa ni Pangulong Duterte ang resbak nito kay Trillanes, bagkus, ipinauubaya na ng punong ehekutibo kay secretary Panelo ang isyung ipinupukol ng senador.

Pasaring pa ng punong ehekutibo, hanggang daldal lang naman si Trillanes pero hindi naman aniya ito lumalaban sa mga debate.

“Well, I leave Trillanes to you. Ikaw na ang bahala sa kanya kung anuhin mo ‘yan. Eh daldal nang daldal ‘yan eh hindi naman lumaban ng debate ‘yan.”

Una rito, binanatan na rin ng Malakanyang si trillanes at sinabing wala itong sapat na ebidensya para patunayan ang kanyang mga alegasyon laban sa pangulo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.