Troll farms ng Duterte Admin sa PCOO paiimbestigahan ni Hontiveros

Sumang-ayon si Senador Risa Hontiveros sa planong paiimbestigahan ang troll farms na itinayo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa ilalim ng Office of the President na ginagastusan ng milyong pondo ng pamahalaan.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na napapanahon na upang magsagawa ang Senado ng isang opisyal na imbestigasyon tungkol sa mga alegasyon ng “troll farms” na pinopondohan diumano ng pamahalaan.

Kung totoo ang mga state-funded troll farms, malaking kahihiyan at katiwalian ito sa ating gobyerno.

Aniya, hindi dapat ginagamit ang kaban ng bayan sa pagpapakalat ng agam-agam at paglalako ng mga kasinungalingan.

“Kabastusan ito sa taumbayan, lalo na sa panahon ngayon kung saan maraming Pilipino ang nangangailangan ng tulong sa kabuhayan at serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Hontiveros.

Sinabi pa ni Hontiveros na labis itong natutuwa na marami sa kapwa senador ang sumuporta sa resolusyon na pinangunahan ni Senador Kiko Pangilinan.

“Hudyat iyan na kailangan na nating suriin at bigyang linaw ang problema sa troll farms, dahil mismong demokrasya at mga demokratikong institusyon natin ang nakataya dito,” aniya.

Aniya, sa mga nakalipas na taon, matinding problema ng bansa ang pagkalat ng misinformation at fake news.

“Kaya naman, hindi tayo pwedeng manahimik at magsawalang -kibo kung ginagamit ang pondo ng taumbayan sa pag-sisinungaling at pag-mamanipula sa publiko para sa ambisyon at interes ng iilang makapangyarihan. Kailangan natin kumilos agad lalo na’t malapit na ang halalan, kung saan dapat manaig ang totoong kagustuhan ng mamamayan.,” giit ng mambabatas.

“Katungkulan namin sa Senado na protektahan ang integridad ng ating pamahalaan. Ang mga maling gawain gaya ng pagpapalakad ng troll farms ay dapat imbestigahan, kondenahin at pigilan. Huwag natin hayaan na magpatuloy ang masamang gawaing ito,” patapos ng senador.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.