“Unfinished business” magiging dahilan ng muling pagtakbo ni Pangulong Duterte – Sec. Roque

Malaki ang posibilidad na ang “unfinished business” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng kanyang termino bilang halal na Pangulo ng bansa ang mag-udyok dito para sumabak siya sa vice-presidential race sa 2022 national elections.

Ito ay matapos na magpahayag si Pangulong Duterte na bukas siya sa ideya na tumakbo sa pagka-pangalawang Pangulo ng bansa sa halalan sa susunod na taon.

Ani Sec. Roque, ang “unsolved drug problem at corruption” sa pamahalaan ang ilan lamang sa mga dahilan para makumbinsi ang Chief Executive na sundin ang panawagan ng publiko na sumabak siya sa halalan sa susunod na taon.

“Meron po siyang unfinished business pagdating po sa droga, pagdating po sa korapsyon,” ayon kay Sec. Roque.

Ani Sec. Roque, naniniwala kasi si Pangulong Duterte na hindi naman “bad idea” na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo.

Magkagayon man, ang pagtakbo n Pangulo sa vice presidential bid ay depende sa panawagan na tumakbo siya sa sa pagka-pangalawang pangulo.

“Ang sinabi naman niya eh kinu-kunsidera niyang tumakbo only if there is space for him. Kung wala naman po eh okay din naman po,” anito.

Ang desisyon aniya ni Pangulong Duterte ay depende sa presidential candidate na susuportahan niya sa susunod na eleksyon.

“Ang isang nakikita niyang problema kung siya ba ay tatakbo ng VP ay baka kontra-partido sila ng Presidente at hindi rin niya magagawa ‘yung unfinished business niya,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Matatandaang, noong Mayo 31 ay may nabuong resolusyon ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, na hinihikayat si Pangulong Duterte na sumabak sa 2022 vice presidential derby at malaya itong makapamili ng standard bearer ng partido sa 2022 national elections.

Nauna nang nagsabi si Pangulong Duterte na ayaw na niyang sumali pa sa halalan sa susunod na taon dahil handa na aniya siyan magretiro at handa nang magbalik sa kanyang home town, sa Davao City, matapos ang kanyang termino sa katapusan ng Hunyo ng susunod na taon.

Nito lamang Hunyo 17, sinabi ng Pangulo na marami ang humihikayat sa kanya na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo subalit ang kanyang desisyon ay depende sa desisyon ni House Majority Leader at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez na nagbabalak din di umano na tumako sa pagka-pangalawang pangulo ng bansa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.