US Embassy tinawagan si Sen Bato para maibalik ang kinanselang US Visa

Nilahad ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na tumawag sa kanya ang US Embassy sa Maynila para ipaalam na maari na siyang muling mag-apply ng kanyang visa, na kinansela noong 2019.

Ayon kay Dela Rosa, natanggap niya ang abiso mula sa US Embassy matapos mag-usap sina US President Donald Trump at Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril.

“Ayoko ibalita sana, but to be frank, to be honest…after mag-usap ni President Duterte at si President Trump, tinawagan ako ng US embassy na asikasuhin ko yung visa ko,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa ANC Headstart.

Pero giit ni Dela Rosa, hindi pa siya nakakapag-apply muli at pupunta lang siya sa embahada katapos na ang COVID-19 pandemic.

Nauna nang kniumpirma ni Dela Rosa noong Disyembre 2019 na kinansela ang kanyang US visa dahil sa papel nito sa madugong kampanya laban sa iligal na droga.

Dahil dito, nagbanta si Duterte ibabasura ang US-Philippine Visiting Forces Agreement (VFA). Subalit noong Hunyo, binago ni Duterte ang kanyang desisyon at nagdesisyong panatilihin ang matagal nang kasunduna ng US at Pilipinas.

Si Dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief, ang arkitekto ng “Oplan Tokhang” kung saan libong mga drug suspect ang napatay.

Ayon pa kay Dela Rosa, gumawa na ang US ng arrangement para tulungan siya sa pag-ayos ng kanyang visa.

“Sabi, after COVID daw, pag mag report na yung kanilang mga staff, then iimbitahin nila ako para asikasuhin yung aking visa,” sabi ng senador.

“Yes, pupunta ako (I will go),” sagot ni Dela Rosa nang tanungin kung tatanggapin niya ang alok ng US Embassy.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.