Videoke sa Manila, bawal sa oras ng online class ng mga studyante -Mayor Isko

Pirmado na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang ordinansa na magbabawal sa paggamit ng karaoke at videoke machine sa lungsod upang hindi makapamerwisyo sa mga estudyante na may “online class” sa kanilang komunidad.

Batay sa Ordinance No. 8688 o “An ordinance prohibiting the use of karaokes, videokes and sound-producing devices which tend to disturb the community during Monday to Saturday within the City of Manila”, ipatutupad ito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado.

Ayon kay Yorme, ipinasa nito ang naturang ordinansa makaraang makatanggap ng mga reklamo sa mga magulang ng mga estudyante sa lungsod kung saan naiistorbo umano ang “online class” ng kanilang mga anak dahil sa mga kapitbahay nila na gumagamit ng videoke o karaoke machine mula nang magsimula ang pasukan nitong October 5.

Batay sa ordinansa, sa unang beses na paglabag ay pagmumultahin ng P1,000, sa ikalawang paglabag ay pagmumultahin ng P2,000 habang ang mga lalabag sa ikatlong beses at paulit-ulit ay pagmumultahin naman ng halagang P3,000.

Inaatasan aniya sa naturang ordinansa ang lahat ng barangay officials at police officers na ipatupad ito kung saan epektibo ito ora mismo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.