Viral video ng mga mag-aaral sa UP Visayas kinastigo ng Palasyo

Kinastigo ng Malacañang ang mga estudyante ng University of the Philippines – Visayas (UPV) at sineryoso ang satirical line o pang-uuyam sa kanilang viral video na pinapanawagang patayin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na bagama’t kinilala ng gobyerno ang fredom of expression ng bawat Pilipino, mayroon aniyang limitasyon ito.

Lumagpas aniya sa limitasyon ang isa lamang satirical line ng UPV Skimmers sa kanilang higit 15-minutong pagtatanghal sa cheering competition na “Let’s kill this President. Charot!”.

“Merong freedom of expression ang ating mga kababayan, at while nirerespeto natin yan hindi naman limitless ito dahil meron din tayong responsibilities bilang mamanayan at responsible citizens. Dapat careful lang tayo sa mga sinasabi natin kasi hindi naman basta-basta puwedeng magsabi ng “kill this President”. Medyo napupunta doon sa line na baka nag-ooverstep na kayo ng boundaries,” banta ni Nograles.

Hindi aniya maaring ikatwiran ng pamantasan na bahagi ito ng “freedom of expression,” dahil hindi na mga menor de edad ang mga estudyanteng pabirong sinabing patayin ang Presidente.

“Hindi puwedeng sabihing mga teenagers lamang ‘yan. Mature na ang mga estudyante na ‘yan, so ingat lang po na huwag tayong mag-cross over sa mga boundaries natin,” dagdag ng kalihim.

Pinapaubaya na ng Palasyo sa Commission on Higher Education (CHED) ang anumang hakbang sa viral cheering performance, na binatikos hindi lamang si Duterte, kundi maging iba’t ibang politiko at polisiya sa administrasyon.

“Dapat sigurong ma-take-up ng CHED board ang isyu para malaman kung ano ang magiging hakbang nila whether to prevent such occurences from happening or kung meron bang mga sanctions na ipapataw or warning,” wika pa ni Nograles.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.