VP Leni Robredo, Mga bumoto sa pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN, tandaan, at panagutin

Hinikayat ni Vice-President Leni Robredo ang publiko na panagutin ang 70 mambabatas na bumoto ng laban sa franchise application ng ABS-CBN.

Para sa Bise-Presidente, ang boto ng mga mambabatas na ito ay labag sa constitutional right para sa free speech ng publiko.

“Idinidiin ng denial ng prangkisa ng ABS-CBN ang aral: Our choice of leaders matters. Mahalagang pumili ng mga pinunong tunay na sumasalamin sa ating mga adhikain at prinsipyo,” ayon kay Robredo.

Ibinasura kasi ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa nitong Biyernes.

Nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kumpara sa 11 na tumutol dito. Samantala, dalawa ang nag-inhibit at isa ang nag-abstain.

“Kaya’t tandaan natin ang mga pangalan ng kongresista at opisyal na tumaliwas sa ating mga paniniwala upang mapanagot sila gamit ang mga prosesong pangdemokrasya; tandaan din natin ang mga kahanay natin, upang maisulong at bigyang-lakas pa ang mga tulad nila,” diing pahayag ni Robredo.

Giit pa ni Robredo na ang boto laban sa ABS-CBN franchise renewal ay anti-labor.

“Hindi kalabisang isipin na maaaring magbabago ang editorial choices ng ibang pahayagan gawa ng panggigipit na ginawa sa ABS-CBN. Inaalisan nito ng kabuhayan ang libu-libong nasa empleyo ng network, bukod pa ang mga contractual, at ang iba pang mga industriyang nakasalalay sa mga proyekto ng network,” ayon kay Robredo.

“Inaampat nito ang daloy ng wasto at napapanahong impormasyon,” dagdag pa ni Robredo.

Aniya, ang free speech at free press ay kailangan na payagan na yumabong at hindi pinipigilan o kinikitil upang mapahusay pa ng pamahalaan ang trabaho nito.

“Ang mensahe: Kapag hindi tayo sumang-ayon nang buong-buo sa kanila, kalaban nila tayong ituturing. Ang hirap tanggapin na lahat ng ito ay nangyayari habang lahat tayo’y nakikipagbuno pa rin sa hirap at pangambang dulot ng COVID-19,” ayon kay Robredo.

“Solusyon sa pandemya, sa pagkawala ng trabaho, at sa gutom ang hinihiling ng Pilipino. Pero pananakot, pagbawi ng kalayaan, at dagdag na panggigipit ang pilit sa ating ihinahain,” aniya pa rin.

Kaya aniya, malinaw ang mga aral ng kasaysayan gaya ng may kabayaran ang bawat pagmamalabis, may hangganan ang anumang paniniil at darating ang araw ng pagtubos, at magbubukal aniya ito sa sarili ng bawat isa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.