VP Robredo dapat tanggapin ang alok ni PRRD na maging drug czar – Palasyo

Nilinaw ng Palasyo na seryoso ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo na gagawin niya itong drug czar at ipagkakaloob dito ang kapangyarihan sa law enforcement para sa drug war ng administrasyon sa loob ng anim na buwan.

Matatandaang kagabi, sinabi ng Pangulo na handa niyang italaga sa nabanggit na posisyon ang bise presidente sa loob ng anim na buwan, ibibigay niya kay VP Robredo ang full powers sa pagpapatupad ng mga aktibidad kontra iligal na droga. Sinabi ng Pangulo na sa loob ng panahong ito, hindi siya makikialam at titignan niya kung ano ang mangyayari.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na susulat siya sa bise presidente kaugnay sa alok na ito.

Sinabi ni Panelo, na kung siya ang tatanungin ay dapat tanggapin ni VP Robredo ang alok na ito ng Pangulo.

Para kasi aniya sa isang kritiko at bumabatikos sa isang bagay, magandang oportunidad na maalok ng ganitong posisyon upang maipakita nila ang ibang mga paraan na kanilang binabanggit.

Dapat aniya ay gamitin nila ang oportunidad na ito upang makatulong sa pamahalaan at hindi puro batikos lamang.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.