VP Robredo, hindi imbitado sa pulong ni Pangulong Duterte sa Oct. 12

Hindi imbitado si Vice President Leni Robredo sa pulong na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itinakda sa darating na Lunes, Oktubre 12 para pag-usapan ang mga hinaing sa ekonomiya at transportasyon.

Nakatakda kasing pulungin ni Pangulong Duterte ang buo niyang gabinete sa October 12, para talakayin ang mga paraan para buksan ang mas maraming sektor at negosyo habang pinoprotektahan ang publiko laban sa COVID-19.

“Kay VP Leni Robredo, siya ay Pangalawang Pangulo pero hindi siya miyembro ng Gabinete kaya hindi po siya maimbita sa cabinet meeting,” paglilinaw ni Sec. Roque.

“Saka sinasabi ko naman po na lahat ng suhestiyon niya, pinakikinggan natin kaya lang wala pong bago. Kung mayroon siyang bagong suhestyon I am sure ikokonsidera po ‘yan. At lahat naman po ng Cabinet members papunta doon sa pagpupulong na ‘yun ay daladala ang sentimyento hindi lang ng kanilang personal kung hindi ang sentimyento ng taumbayan,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Nauna nang nagbigay ng suhestiyon si VP Leni sa education department ukol sa distance learning at sa inter-agency task force on the coronavirus response.

Subalit, matatandaan na noong Agosto ay sinabi ni Pangulong Duterte na sinisira lamang ni VP Leni ang pamahalaan. Sabay sabing “Please do not add fuel to the fire.”

Noong nakaraang linggo ay hinikayat ni VP Leni si Sec. Roque na iwasan ang ang pagpapalabas ng “polarizing” statements na naghahati-hati sa halip na pag-isahin ang Filipino ngayong panahon ng pandemiya.

Nauna rito, sinabi ni Sec. Roque na personal na ipinatawag ni Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang appointed Cabinet secretaries para sa itinakdang nasabing pulong.

Aniya, tatalakayin sa nasabing pulong ang kakulangan ng public transport, lalo na kung payagan ang mas maraming empleyado na bumalik sa trabaho.

Ang scheduled meeting ay kasunod ng rekomendasyon ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na payagan ang pagbubukas ng marami pang negosyo at payagan ang mga establishemento na taasan ang kanilang operating capacity, basta’t paghandaan lang ang magkakasakit ng kritikal o severe at palakasin ang mga ospital.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.