VP Robredo, iginiit na nakipag-ugnayan lamang siya sa militar at hindi nagbigay ng utos

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na nakipag-ugnayan lamang siya sa militar upang iligtas ang mga residenteng apektado ng matinding pagbaha dulot ng Bagyong Ulysses, taliwas sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ani Robredo, nagpahatid lamang siya ng distress calls sa kung sino ang mga maaaring tumulong kasama na ang militar, pulis at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Sa televised address ni Pangulong Duterte, sinabi nito na hindi susundin ng militar si Robredo dahil sa hindi ito parte ng command at dagdag pa nito, pinalabas ng bise presidente na siya ang nanawagan sa mga uniformed personal upang tumulong sa mga biktima ng baha.

Inakusahan din ni Pangulong Duterte si Robredo na ito umano ang nagpasimuno ng “Nasaan ang Pangulo” hashtag na nag-trending sa Twitter.

Mariin naman itong pinasinungalingan ni Robredo at sinabing maaaring may mga nagbibigay ng maling impormasyon sa pangulo.

Walang natanggap na request mula kay Robredo

Samantala, iginiit ni AFP Spokesperson Marine Major General Edgard Arevalo na wala silang natanggap na request para sa disaster response mula kay Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Arevalo, lahat ng utos para sa deployment ng kanilang disaster response units ay nagmumula sa GHQ.

Pero ang kanila aniyang search, rescue, & retrieval teams (SRRTs) ay inatasan na makipag-ugnayan sa Local Disaster Reduction and Management Councils (LDRRMC).

Paliwanag ni Arevalo, kung mayroong natanggap na request mula sa pangalawang pangulo na tinukoy nitong contacts on the ground, ito ay aaksyon batay sa naging atas sa kanila ng Pangulo, Secretary of Defense, at AFP Chief of Staff.

Samantala, inaprubahan ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay ang plano ni AFP Northern Luzon Command Commander Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na ipadala ang military reservists sa lugar na nasalanta ng bagyo.

Ayon kay Burgos, nagkaroon na sila ng koordinasyon sa AFP Reserve Command lalo’t malaki ang naitulong ng military reservists sa mga nagdaang kalamidad.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.