VP Robredo, ikinadismaya ang Executive Clemency na iginawad ni Pangulong Duterte kay US Marine Pemberton

Sumama na rin si Vice President Leni Robredo sa mga grupong nagpahayag ng kanilang pagkadismaya matapos bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Presidential Pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Sinabi ni Vice President Robredo, maraming tao ang nakakulong na mas magaan ang sala ngunit hindi napapansin o nabibigyan ang mga ito ng kaparehong prebilehiyo.

Ang nakikita daw ng Pangalawang Pangulo ay mas nabibigyan ng parusa ang mga mahihirap samantalang nasa poder at malaya ang mga may kaya at mayayaman.

Ang pagbibigay daw ng Executive Clemency kay Pemberton ay isa lamang patunay na may pagkiling ang pamahalaan sa mga mayayaman.

Tanong tuloy ni Robredo sa Pangulong Duterte, patas daw ba ang desisyong ito na bigyan ng pardon ang Amerikanong sundalo habang libu-libo ang nakakulong dahil walang pambayad sa abogado at tinitiis na lamang ang pagkakapiit bilang mga preso habang usad pagong ang kanilang kaso.

Sa huli, umaasa si Robredo na gagamitin din ng Pangulo ang kanyang Executive Clemency power sa ibang mga bilanggo na may patas at benepisyo para sa mga Pilipino.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.