VP Robredo nakukulangan sa ulat ni Pangulong Duterte ukol sa Covid-19 krisis

Sa tingin ni Bise Presidente Leni Robredo, mahalaga na komprehensibo ang ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kung paano nito ginagamit ang special powers para tugunan ang coronavirus pandemic.

Gusto pa umanong malaman ng Bise kung kumusta na ang mga target ng bansa at kung paano ginasta ang mga pondo, kabilang ang nilaang halaga para sa COVID-19 testing at sa contact tracing.

Ito aniya ang dapat na unahin kaysa ang pagpapalawig ng special power ng Pangulo na pinagkaloob ng Kongreso at napaso na kahapon, Hunyo 25, kasabay ng pagtatapos ng Bayanihan to Heal as One Act.

Nakasaad sa nasabing batas na dapat iulat ng Pangulo ang lahat ng hakbang ng gobyerno para labanan ang COVID-19.

“Before we even talk of more special powers, yung pinakakailangan siguro is to render a complete report. To render a complete report of what happened in the last few months when the special powers were there,” wika ni Robredo sa panayam sa ANC, Huwebes.

“I’ve been really following, reading the Monday reports, Monday press con. Kulang kasi e. Parang the information being given is not enough. Kasi yung Monday dapat should be a report to the country kung ano na yung nagawa, ano yung pinaggagastusan,” aniya pa.

Matatandaang sinabi ng Palasyo na kailangang patagalin ang special power ni Duterte para mapabilis ang pagbili ng mga gamit para sa virus response.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.