WATCH: Malacañang sa pagtanggap ng regalo ng pulis: Labag sa batas kung may kapalit

Pinanindigan ng Malacañang ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang masama sa pagtanggap ng regalo ng mga pulis.

watch the video here:

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hangga’t ang regalo ay sa “nominal value” at hindi masyadong malaki ay hindi ito masasabing labag sa batas.

Ang mahalaga, ayon kay Panelo, ay hindi ito ibinigay kapalit ng isang pabor na hiniling sa sinumang pulis.

“What is important is hindi ‘yung pagbibigay is not in consideration or anticipation of a favor or in exchange of a favor. Kung masyadong malaki, eh nakakahiya namang tumanggap, ‘di ba,” ani Panelo.

Ginawang halimbawa ng kalihim na hindi masamang tumanggap ng regalo ay kapag birthday o kasal.

Sinabi ni Panelo na maliwanag namang nakasaad sa batas na “nominal” lamang ang puwedeng tanggapin sakaling may magbigay ng regalo sa mga taga-gobyerno.

“Maliwanag naman ang batas eh, nominal. Malalaman mo naman kung masyado nang excessive eh. Hindi na kailangan ng guidelines. The law does not specify, so you use your discretion na ‘yung tama. May standard naman tayo ng excessive at tama,” dagdag pa ni Panelo.

Umaani ng sari-saring opinyon ang naging pahayag ng Pangulo noong nakalipas na linggo kung saan ang iba ay nagsabing posibleng maging daan ito ng korapsiyon sa mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Pero sinabi ni Panelo na malinaw naman ang nasa batas kaya hindi na dapat pang palakihin ang “nominal” dahil nilalagyan na aniya ito ng malisya.

“Sabi nga ng batas of nominal value, of insignificant value. Huwag niyo nang palakihin pa ‘yung nominal, pag sinabing nominal, nominal. The law is very clear, alam na nila ‘yon,” wika pa ni Panelo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.