WHO assessment ng Pinas sa COVID-19 response na pinakapalpak, ikinahiya ni Sen. Kiko Pangilinan

Lubhang ikinahiya ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pinakahuling assessment ng World Health Organization (WHO) na pinakapalpak sa buong mundo ang Pilipinas sa pagtugon sa corona virus 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na hindi dapat pinatindi ang militarismo sa bansa, at sa halip pinalakas ang health care system kaya bumilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sanhi ng kawalan ng mass testing at contact tracing sa panahon ng lockdown.

“Care for, not scare, Filipinos during pandemic,” ayon kay Pangilinan na tila pinasasaringan ang sandamakmak na sundalo at tangke sa Cebu City na ni-lockdown sanhi ng dumadaming positibo sa virus.

Sinabi ni Pangilinan na ayon sa pagsusuri ng WHO, Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

“Yan ang diplomatic na paraan ng pagsabi na tayo sa Pilipinas ang pinakamalala sa buong Western Pacific region. Yan ang pagbubukod tangi ng Pilipinas: pinakapalpak na pagtugon sa pandemya,” aniya.

Ayon sa mambabatas, nakakahiya sana sa mga kapit-bansa natin, pero mas nakakahiya sa kapwa Filipino, sa mga doctor at nars, at med tech at sa lahat ng nagbuwis ng buhay para pamang massugpo ang sakit.

“Sa lahat ng sumunod at sumusunod sa sari-sari at madalas magulong mga guidelines tulad ng pagbubukas pero walang public transport,” aniya.

Igiit ni Pangilinan na matagal nang sinasabi, ipinapapanukala, ipinapakiusap, isinasama sa Bayanihan2, ang mass testing at contact tracing.

“Hindi po nakukuha sa porma ng militar o pulis yan, o papirma sa Cha-cha, o pederalismo,” giit niya.

Sinabi pa ni Pangilinan na dapat sabay-sabay ginagawa ang lockdown at mass testing at contact tracing.

“Parang sa pagtatanim, hindi pwedeng iisang gawin lang tulad ng magbungkal ng lupa, kailangan ding magpunla at magdilig. Kailangang mag-alaga,” aniya.

“Mag-alaga, yan ang pinaka-esensya ng dapat ginagawa ng anumang pamahalaan lalong-lalo na sa panahon ng pandemya. Alagaan ang kapakanan ng lahat pero lalong-lalo na ng pinaka-bulnerable, ang walang-wala. Huwag balewalain. Huwag manakit. Alagaan,” ayon sa mambabatas.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.